hello..

hello guys..

Saturday, February 27, 2010

Short Short Story

Textmate mo, Textmate ko
Charissa Mae R. Peraz
BSBM II – irreg.

Isang bayan sa lalawigan ng Kabite ay may magkakaibigan ang nag-aaral sa isang unibersidad, sila ay magkakasama sa iisang boarding house. Ang kanilang turingan ay para nang magkakapatid, wala silang inililihim sa isa’t isa. Si Jovy ay masayahin at matalino na taga Magallanes. Samantala si Rita naman ay tahimik at mapagmasid, taga Maragondon at si Lyca at Lonnie naman ay pawang taga Bulacan. Nagkakilala silang apat sa unibersidad at nagkataon naman na nagkasama-sama sila sa isang boarding house, silang apat maraming pagkakatulad kung kaya hindi sila nahirapang pakisamahan ang isa’t isa. Ang isa sa pinakahihiligan nila ay ang makipagtextmate. Gayunpaman, ay hindi naman ito nagiging hadlang sa kanilang pag-aaral sapagkat ang priority nila ay makatapos sila sa kursong kinukuha nila. Sina Jovy, Rita, Lyca at Lonnie ay hindi magkakasabay na pumapasok dahil magkakaiba ang schedule na nakuha nila at kung minsan wala silang panahon na makapag-usap kung sila’y nasa campus dahil wala silang pagkakataon na makita ang isa’t isa, kung kaya puno sila ng usapan kapag nakauwi na silang lahat sa boarding house, at ang kasama nilang si Rita ay unti-unti nilang nababago ang ugaling tahimik at nakikisabay na ito sa kanilang mga tawanan, kulitan at kalokohan. Bukod sa usapan ukol sa maghapon nila sa campus ay napag-uusapan din nila ang kanilang mga katextmate, kung minsan nga ay nagpapalitan o nagbibigayan pa ang mga ito at saka nagkakasundo na pagtripan ang kanilang mga katext, mahilig silang magpaikot at mambola ng lalake sa text at titigil na kung sawa na. At ito ang kanilang nagiging pampalipas oras kung tapos na sila sa mga dapat nilang gawin.
Isang gabi, may dumating na mensahe sa cellphone nina Jovy, Rita, Lyca at Lonnie na nanggaling sa hindi kilalang numero, ang laman ng mensahe ay “gndang gbi, pwd po makipgtxtm8?” Ang apat sa kani-kanilang silid ay napa-isip kung sino ang nagtext, at dahil sa hilig nila ang makipagtextmate ay sinagot nila ang mensahe ng “oo” at tinanong nila kung ano ang pangalan niya. Nagpakilala ang nagtext sa iba’t ibang ngalan, ang pakilala nito kay Jovy ay Nathaniel, Leonard naman kay Rita, kay Lyca naman ay Ivan at Andrew naman ang pakilala kay Lonnie. Ngunit ang totoong pangalan nito ay Mathew, isang lalaki na matangkad, moreno, mayaman, matalino, mabait at sobra magtiwala at magmahal o almost perfect kung baga na hilig din ang makipagtext sa mga babae siya ay taga Imus, Kabite. Maayos ang naging takbo ng pakikipagpalitan ng mensahe ng apat kay Mathew (na lingid sa kaalaman nila ang tunay na pangalan) at hindi na nila natanong kung saan at kung paano nalaman ang number nila, dahil si Mathew ay mahusay makipagtext at makipagkilala sa iba’t ibang babae, magaling din siyang mambola sa mga ito. Ilang linggo ang lumipas ay tuluy-tuloy pa rin ang pakikipagtext ni Mathew kina Jovy, Rita, Lyca at Lonnie, hanggang sa sinimulan na nito ang panliligaw sa apat. Sa mga mensahe naman na pinapadala ni Mathew ay kinikilig na mabuti ang apat at madalas silang napupuyat sa kanilang pakikipagtext at naging pang-araw-araw na nila itong gawain. Isang umaga, nagkaabutan ang apat sa boarding house, si Lonnie na palaging una sa kanilang naalis ay nakita pa ng tatlo na hindi pa nakabihis at nakaupo pa sa kanilang hapag kainan animo’y nagmumuni-muni, sina Rita, Jovy at Lyca naman ay halos magkakasabay na nagising na ni minsan ay hindi pa nangyari sa kanila dahil si Lyca ang pinakahuli na nagigising sa kanila dahil ito ang tanghali na ang schedule sa kanila. Nagtaka tuloy si Lyca sa kanila, wika niya “oh, bakit mukhang mga bagong gising palang din kayo ha? Rita at Jovy, di ba dapat ay papaalis na kayo at naghahanda sa pagpasok at bakit si Lonnie ay nandito pa rin, huli ka na ah? Oo nga eh sobrang huli na talaga ako nito, hindi na ako papasok sa una kong klase ang tugon ni Lonnie. Ang nagmamadaling ani naman ni Rita kay Lonnie “bakit nahuli ka ngayon ha at mukhang puyat na puyat ka pa ah”, animo’y may ibig ipahiwatig. Si Jovy ang tumugon, siguro may katext ka kagabi ano? ang pabirong sagot niya, “siguro nga ano” ang makulit na panggagatong ni Lyca.tumugon naman si Lonnie ng “kayo di naman ah, mukhang mga puyat siguro may mga katext din kayo kagabi noh? udyok niya sa mga kasama at saglit na nagkakulitan ang tatlo habang si Rita naman ay tumuloy na sa pagpasok.
Kinahapunan ay naging abala ang apat lahat sila ay diretso kaagad sa kani-kanilang silid at kunwa’y mga abala sa kanilang pag-aaral, ngunit ang textmate nilang si Mathew ang kanilang inaatupag. Unang beses na nangyari sa kanila na hindi man lang nila pinag-uusapan na may mga bagong textmate pala sila. Si Mathew naman ay patuloy ang pakikipagpalitan ng mga nakakakilig na mga mensahe sa apat, isa sa kanyang mga paraan ang pagpapadala niya ng mga usong pick up lines. Dahil din sa mga ito ay unti-unti nang nahuhulog ang loob nina Jovy, Rita, Lyca at Lonnie sa kanya. At hindi naman nagtagal ay sinagot siya ng mga ito kahit na hindi pa sila nagkikita, ang huling sumagot sa kanya ay si Lyca sapagkat pihikan ito at ayaw niya sa ganoong relasyon ngunit di rin niya napigil ang kanyang damdamin para kay Mathew. Ang hindi naman alam ng apat sapagkat hindi na nila napag-uusapan ang kanilang textmate ay nagkaroon na pala sila ng iisang kasintahan. Pagkatapos ay pinlano na ni Mathew ang susunod niyang hakbang para sa apat, tuwang-tuwa siya na napasagot niya ang apat kahit na wala naman siyang nararamdaman para sa isa sa mga ito at ang tanging nais niya lamang ay ang maghiganti kahit na alam niya na masama ang bagay na ito at lagi niyang tinatanong sa sarili kung tama ba ang kanyang ginagawa. Ang sumunod niyang hakbang ay inaya niya sina Jovy, Rita, Lyca at Lonnie na makipagkita sa kanya sa mall sa magkakaibang araw, una niyang inaya si Rita, pumayag naman ang dalaga na makipagkita sa isang Mall sa Dasmariñas, Kabite sa araw na sabado. Dumating ang araw ng sabado, si Rita ay nagpaalam sa kanilang landlady at sa kanyang mga kaibigan. Aling Aida! alis po muna ako, paalam ni Rita. Nang-usisa naman si Lyca kung saan ito pupunta ngunit nang sabihin ni Rita na gagawa ito ng project sa bahay ng kaklase niya ay hindi na ito muli pang nagtanong. Nakarating na nga si Rita sa usapan nila ni Leonard at nagpadala ito ng mensahe “Leonard saan k n? nand2 n ko, nakapink n blouse at white na pants ako”. Nagreply naman si Mathew, “nand2 ko sa my department store nakablue na polo”. At nagkita na nga ang dalawa si Rita, hindi alam ang kanyang gagawin sa kanilang pagkikita sobrang humanga na kaagad siya kay Leonard at pakiramdam niya lalo na yata siyang nahuhulog dito. Ang tingin naman ni Mathew kay Rita ay isang dalagang mahinhin at mahiyain. Ngunit hindi naman hinayaan ni Leonard na manahimik na lang silang dalawa, gusto pa niyang makilala lalo si Rita kung kaya marami siyang tinatanong dito habang sila ay kumakain. Pagkatapos nila kumain ay sinigurado ni Mathew na hindi malilimutan ni Rita ang araw na iyon kaya naglaro sila sa quantum at naging sobrang saya nila at si Rita ay nawala na rin ang pagkahiya sa kasintahan na noon pa lamang nakita. At hindi pa doon natapos ang gimik ni Mathew sapagkat bago sila maghiwalay ay binigyan pa niya ito ng isang maliit na stuff toy kunwa’y nahihiya pang tanggapin ni Rita ngunit kinuha din at nagwika, “nakakahiya naman pero salamat ha!”. Hanggang sa pag-uwi si Rita ay labis ang tuwa sa kanyang naging araw samantala si Mathew ay masaya din sapagkat unti-unti nang natutupad ang kanyang mga plano. Bago dumating sa boarding house ay itinago na ni Rita ang bigay sa kanya ni Leonard dahil ayaw niyang mausisa pa siya at sa boarding house hindi niya maalis ang tuwa sa kanyang mukha at sobrang napa-inlove talaga siya ni Mathew. Napansin agad ito ng kanyang mga kaibigan kung kaya hindi pa rin siya nakaligtas sa mga ito at nagsimula pa rin ang pang-uusisa sa kanya at panay naman ang pagtanggi niya sa mga tinatanong ng mga kaibigan. Sa puntong ito unti-unti nang nagkakaroon ng tampo sa kanya ang kanyang mga kaibigan dahil naglilihim na siya sa kanilang samahan. Unti-unti na ring nawawala ang pagiging malapit nila sa isa’t isa dahil palagi nalang silang nagkukulong sa silid at nakikipagtext.
Sa sumunod na sabado ay inaya ni Ivan si Lyca na noong una ay ayaw pang pumayag na makipagkita sa kanya dahil pihikan nga ito at mailap sa mga lalaki, ngunit pinilit talaga ito ni Ivan at napapayag niya din. Tulad ng mga ginawa ni Mathew sa unang pagkikita nila ni Rita ay ganoon din ang kanyang ipinakita at ipinaradam kay Lyca sapagkat gusto din niya itong makilala pa, ngunit magkaiba ang naging pakikitungo niya kay Lyca dahil di tulad ni Rita si Lyca ay hindi mahiyain. Gaya naman ni Rita si Lyca ay mas lalo pa ding nahulog ang loob kay Ivan dahil sa taglay nitong mga katangian. Sa pag-uwi naman ni Lyca mayroon ding pabaong alaala si Mathew ngunit iba ito sa ibinigay niya kay Rita, kwintas ang ibinigay niya dito. Si Lyca ay tuwang-tuwa sa naging unang pagkikita nila ni Ivan, lalo pa at sinigurado talaga ito ni Ivan. Pagdating naman ni Lyca sa boarding house ay hindi niya rin nagawang makapagkwento sa mga kaibigan.
Ang paghahanda namang ginagawa ni Mathew ay para sa pagkikita nila ni Jovy, nagbasa siya ng mga jokes dahil sa mga araw na magkatext sila ay napansin niya na masayahin ito. Si Jovy ay excited sa kanilang pagkikita ni Nathaniel at dahil sa masayahin ay namukod tangi siya sa kanilang magkakaibigan naikwento niya sa kanyang mga kaibigan na makikipagkita siya sa kanyang textmate na ang pangalan ay Nathiel, hindi naman nagduda ang nauna nang nakipagkita kay Mathew dahil sa magkakaiba naman ang pakilala nito sa apat na magkakaibigan sa halip ay na’excite din ang mga ito para sa kanilang kaibigan. Ang pagkikita nina Nathaniel at Jovy ay naging kaiba kina Rita at Lyca dahil sa sobrang masayahin nga si Jovy naging sobrang saya ng kanilang unang pagkikita sapagkat pinasaya din ito ni Nathaniel dahil sa mga baon nitong jokes, at kagaya naman nina Lyca at Rita ay madali ding lumalim ang pagtingin ni Jovy kay Mathew. Gayunpaman, pinaibig niya talaga si Jovy katulad ng ginawa niya sa dalawa at nakita naman niya na nagtatagumpay siya. Si Jovy ay nakatanggap din ng isang regalo mula kay Nathaniel at ito naman ay isang bracelet na nahihiya pang kunin ni Jovy aniya “nakakahiya naman, mukhang mamahalin ito ah, sigurado ka ba?” “oo, kunin mo na para sa’yo talaga ‘yan” ang tugon ni Nathaniel. Kung kaya napilitan na lamang siyang kunin ito. Pagkauwi naman ni Jovy sa boarding house ay ikinwento kaagad niya ang nangyari sa pakikipagkita sa katext niya at hindi niya sinasabing boyfriend na niya ito. Kilig din naman ang mga kaibigan sa kwento niya at ipinakita pa nito ang regalo sa kanya, “ang galante at ang bait ng katext ko binigyan ako ng bracelet, kakahiya nga tanggapin eh kaso ipinilit niya” ang pagmamalaking sabi ni Jovy. Umimik si Lonnie na “sana galante din ang boyfriend ko sa text pag nagkita na kami” at nagulat ang mga kaibigan dahil sa nabanggit. Alam kasi nila na hindi nito hilig ang makipag-on sa text.
Ang sumunod na sabado ay laan na para kay Lonnie, biyernes ng hapon may nagtext kay Lonnie at ito ay si Andrew. Inaya na nito si Lonnie na makipagkita sa kanya. Hindi alam ni Lonnie ang isasagot niya pero sa isip niya ay gusto niyang makipagkita, kaya tingala sa langit siyang sumagot kay Andrew na payag siya. At dumating na ang araw, mga tanghali ng sabado ay umalis si Lonnie at tumungo sa usapan nila ni Andrew. Sa pamamagitan ng cellphone ay nagkatagpo din sila. At sa una nilang pagkikita tulad ng kina Lyca, Rita at Jovy ay ipinasyal, pinakain at naglaro din sila sa laruan sa mall, ngunit ang iba naman sa kanila ay nanuod sila ng sine dahil sa gusto ni Mathew na maiba ang pakikipagkita niya kay Lonnie dahil sa nabighani siya dito. Ngunit si Lonnie ay iba sa tatlo niyang kaibigan kahit na sinagot niya si Andrew sa text gusto niya na mas makilala niya muna ito ng lubos kahit marami itong magagandang katangian sa unang tingin pa lamang. At gaya ng nakagawian ni Mathew ay may regalo din siya kay Lonnie, isang singsing ang ibinigay niya dito. Ngunit hindi naman ito tinanggap ni Lonnie dahil sa paniniwala niya na isang mahalagang simbolo ito para sa mga nag-iibigan at hindi dapat ibinibigay ng ganoon lang. nakaramdam ng pagkachallenge si Mathew kay Lonnie at nasabi niya sa sarili “kakaiba ‘tong babaeng ito, huwag sana ako tuluyang mahulog sa kanya. Muntik nang mabago ni Lonnie ang isip ni Mathew na ipagpatuloy pa ang balak niya ngunit sa tuwing maaalala niya ang nakaraan niya ay nagiging buo ulit ang loob niya at kinakalimutan niya ang paghanga niya kay Lonnie. Sa pag-uwi ni Lonnie tanging siya lamang ang umuwi na walang dalang regalo galing kay Mathew. Excited pa naman ang kanyang mga kaibigan na sumalubong sa kanila upang itanong kung ano ang nangyari sa pakikipagkita niya. Hindi naman malungkot si Lonnie dahil masaya din naman ang naging pagkikita nila ng textmate niya. Pagkatapos ng mga pangyayaring ito ay muling nanumbalik ang kwentuhan at kulitan ng apat at nawala din ang kanilang munting tampuhan. Naging bukas na muli sila na pag-usapan ang kanilang mga textmate at inamin nila na seryosohan na ang relasyon nila sa kani-kanilang textmate at malalim na ang kanilang pagtingin kung kaya hindi nila naisip na pagtripan ang kanilang texmate gaya ng dati nilang gawain.
Samantala, habang si Mathew ay nasa kanyang silid ay nag-iisip itong muli ng gagawin niyang paghihiganti sa apat dahil ang hindi alam nina Jovy, Lyca, Rita at Lonnie na sa minsang pagtitrip nila noon sa kanilang mga katextmate ay isa si Mathew sa kanilang nasaktan ang damdamin. At dahil kinilala niya ang mga dalaga hindi niya lubos maisip na kaya ng mga ito na manloko ng tao na taliwas naman sa mga ipinakita ng mga ito sa kanilang pagkikita.
Tuluy-tuloy pa rin ang komunikasyon ng bawat isa kay Mathew samantala, Isang araw may dumating na mensahe sa cellphone nina Jovy, Rita, Lyca at Lonnie, ang mensahe ay galing kay Mathew na kilala nga ni Jovy sa pangalang Nathaniel, Leonard kay Rita, Ivan naman kay Lyca at Andrew ang pagkakaalam ni Lonnie. Ang mensahe nila ay iisa at naglalayon ito na sila ay muli sanang makipagkita sa binata. Ang apat na magkakaibigan naman ay sumang-ayon sa nais ng binata at ginanap itong muli sa araw na sabado. Dahil sa madalas na ulit silang mag-usap ay nagkapalitan sila ng plano nila para sa araw ng sabado at napagkasunduan nila na magsabay-sabay na at magsama-sama na sa pakikipagkita sa boyfriend nila at upang maipakilala na rin nila ito sa isa’t isa. Naging masaya pa sila na inaasahan nila na magiging isang grupo sila ng mga lovers. Lingid sa kaalaman nila na hindi ito magiging mabuti para sa kanila. Dumating na nga ang araw na pinaghandaan ni Mathew, hindi niya inaasahan na magsasama-sama sa pagsipot ang magkakaibigan sapagkat magkakaiba ang oras na ibinigay niya. Kung kaya itinodo na niya ang plano niya, nilapitan niya ang apat na magkakaibigan ng sabay-sabay, habang papalapit naman siya ay pasimpleng nagbubulungan ang magkakaibigan at sinasabing papalapit na ang boylet nila ngunit hindi sila nagkakaintindihan sapagkat excited sila at hindi nila alam na isa lang pala ang lalaking tinitingnan nila. Nang makarating si Mathew sa harap nina Jovy, Rita, Lyca at Lonnie, nakipagkamay siya kaagad at nagpakilala sa tunay niyang pangalan, “hi I’m Mathew also known as Nathaniel, Leonard, Ivan and Andrew, how are you girls?” ang malakas ang appeal na wika ni Mathew. Nagulat at nagalit na napapaiyak ang apat sa kanilang narinig, hindi sila makapaniwala na isang tao lamang pala ang araw-araw nilang nakakatext at minsan nilang nakasama sa paggawa ng magandang alaala sa mall. Sina Rita, Jovy, Lyca at Lonnie ay sobrang nasaktan at nalungkot sa kanilang natuklsan dahil sa sobrang napamahal na si Mathew sa kanila na nakilala nila sa magkakaibang pangalan. Si Lonnie di man niya lubos naipinagkatiwala ang sarili kay Mathew o mas kilala niyang Andrew ay aminado siya na nagustuhan niya din ito at labis ang panghihinayang niya dahil marami pa naman itong magagandang katangian. Samantala, nag-alala naman si Lonnie sa kanyang mga kaibigan dahil alam niya na labis nang minahal ng tatlo si Mathew at sobrang nasasaktan ang tatlo, di man aminin ng mga ito ay bakas sa kanilang mga mukha ang nararamdaman. Si Rita ay nasampal si Mathew dahil sa naramdamang sobrang galit na hindi na nito napigil, puno sila ng pagtatanong kung bakit o kung meron bang kahit isang totoo sa mga ipinakita at sinabi ni Mathew sa kanila. Si Lonnie naman na may pinakamahinahong loob na ang naglakas loob na magtanong kay Mathew kung bakit niya nga kaya nagawa iyon sa kanila. Ang tugon naman ni Mathew ay “hindi ko sinasadya na gawin sa inyo iyon pero pinilit niyo ako na gawin ‘yon. Nagtaka sila sa sinabi ni Mathew, hindi nila maintindihan ang ibig nitong sabihin. Kaya hiniling nila na linawin ang gusto nitong sabihin, ipinaliwanag naman ni Mathew ang panig niya at maayos namang nakinig ang magkakaibigan. Natuklsan nila na dahil sa kanilang kapilyahan at kalokohan ay mayroon na pala silang mabuting tao na nasasaktan at sa hindi nila nalalaman ay may natutong maghiganti sa kanyang kapwa. Na ang dati pala nilang napagtripan na si Mathew ay minsang naging seryoso sa kanila na hindi nila alam ay pare-pareho nilang nasaktan. Ngayon, nagsisisi sila na kung hindi sana nila naging libangan ang manloko ng textmate eh di sana’y wala silang dapat na ipagkasisi at magaan sana ang loob nila.
Gayunpaman, masakit man ang naging wakas nila ay tinanggap na lamang nila ang katotohanan at humingi sila ng tawad para sa sakit na naidulot din nila kay Mathew, ngunit iba si Rita sa kanila dahil hindi niya ito natanggap. Pag-uwi nila sa boarding house ay tahimik silang lahat at si Rita ang unang nagsalita, paninisi niyang sabi “kayo kasi, bakit niyo ba ako sinama sa mga kalokohan niyo?” at sa sinabi niyang ito ay nagalit ang tatlo sa kanya dahil hindi naman sila nagpipilitan pagdating sa bagay na iyon dahil pampalipas oras lamang nila iyon at malay nila na mauuwi sila sa totohanan. Ngayon, hindi nila maibalik ang dati nilang samahan dahil sa nangyari sa kanila, ang boarding house na dati ay puno ng tawanan at kulitan ay mayroon na ngayong ilangan na sanhi ni Rita dahil ayaw pa rin niyang tanggapin na nakarma sila. Si Mathew naman nakapaghiganti man ay hindi pa rin siya labis na naging masaya dahil alam niya na nakasakit din siya ng kanyang kapwa at nanghinayang din siya para kay Lonnie dahil naging matigas man ang damdamin ay napukaw pa rin nito ang puso ni Mathew. Yun nga lamang ay naging huli na para sa kanila ang lahat. Dahil na rin siguro sa kadahilanang hindi sila para sa isa’t isa.
Isang gabi matapos ang mga pangyayari malalim ang iniisip ni Rita sa kanyang silid, habang siya ay nag-aaral bigla siyang nagbalik alaala. Pumasok sa isip niya lahat ng malungkot at masakit na pangyayari ngunit natabunan ito ng maisip niya din na mas marami silang masasayang araw ng kanyang mga kaibigan kaysa sa mga araw na nakikipagtext lamang siya kay Mathew. Napag-isip-isip niya na dapat na niyang tanggapin ang lahat at muli nang makipagbati sa kanyang mga kaibigan dahil sumang-ayon din naman talaga siya kalokohan ng mga kaibigan. Kinabukasan, nakipagbati na nga si Rita at tinggap naman ito ng kanyang mga kaibigan, muli ay ibinalik na nila ang dati nilang buhay at konsentrasyon sa pag-aaral at binawasan na rin ang kanilang pakikipagtext at iniwasan na ang mangtrip na tao.
At ganoon nga ang nangyari sa kwento, ang paggamit ng cellphone ay dapat na gamitin sa tamang paraan at naaayon sa totoong gamit nito. Ang pakikipagtextmate naman ay hindi dapat na ginagawa kung may masama kang intensyon o layunin sa isang tao. Upang maiwasan ang maaaring makasakit sa damdamin ng ibang tao.

No comments:

Post a Comment