Juan Karlo D. Parin
BSIT 1-6
“LALA”
Ang lungsod na kung tawagin ng mga nakatira rito na Ganru ay nagsisimula ng masira. Pagmimina ng ginto, pilak at mga mamahaling mineral galing sa bundok ang ikinabubuhay ng mga taga rito kaya naman ang buong lungsod ay nakatayo sa gitna ng mga naglalakihang bundok. Gahaman ang mga mamamayan ng Ganru kaya naman sa sobrang pagmimina gumuho ang isa sa mga bundok na malapit sa lungsod dahilan upang masira ang kalahati ng Ganru. Dahil rito, bumagsak ang ekonomiya ng lungsod. Inakala ng marami na mapanganib ng tumira sa nasabing lungsod kaya naman nagsimula na silang lumisan. Naisip ng mga namumuno sa Ganru na gumawa ng isang manyikang may kakayahang kumanta upang maging sentro ng muling pagbangon ng kanilang lungsod. Binigyan nila ang manyika ng mahiwagang puso na yari sa ginto dahilan upang magkaroon ng buhay at emosyon na tulad ng sa tao ang manyika. Tinawag nila ang mahiwagang ginintuang puso na “Helix”.
Sa pamamagitan ng mala-anghel na tinig ng manyika, hindi na lumisan ang mga mamamayan ng Ganru. Ngunit ito’y panandalian lamang. Muling naulit ang pagguho ng bundok at sa sobrang takot ng mga tao hindi na sila nagdalawang isip na umalis sa Ganru at lumipat sa kabilang kontinente. Naiwang ang manyika sa abandonadong lungsod. Walang taong gustong kumupkop at isama ang manyika dahil iniisip ng mga ito na pabigat lamang sa kanilang paglalakbay ang manyika. Dahil sa meron na ring emosyon ang manyika, nakaramdam siya ng lungkot sapagkat walang taong gustong tumanggap sa kanya bilang isang tao. Ang tingin lamang sa kanya ng mga tao ay parang laruang manyika na ang silbi lamang ay kumanta. Ang tanging gusto lamang ng manyika ay maghandog ng awit sa mga tao, makita niyang sumaya ang mga tao sa kanyang pag-awit at mahalin at tanggapin siya ng mga tao bilang isang tao rin. Kaya naman naghintay ang kaawa-awang manyika na may mapadpad sa gumuhong lungsod ng Ganru upang kanya itong mahandugan ng awit at pinapanalangin niyang ang manlalakbay na kanyang makikilala ang kukupkop sa kanya at magmamahal sa kanya na parang isang tunay na tao.
Ngunit talagang masaklap ang kapalaran kahit na sa isang manyikang naghahanap lamang ng pagmamahal at pagpapahalaga. Wala halos napapadaang manlalakbay sa gumuhong lungsod at kung meron man, sila’y tumatanggi sa alok ng manyika na sila’y awitan nito. Sa sobrang pagkadismaya ng manyika nakaramdam siya ng galit at poot. Kaya naman ang mga manlalakbay na tumatanggi sa alok ng manyika na kanya itong kantahan ay kanyang pinapaslang. Nabalot ng galit at poot ang manyika dahilan upang siya’y maging mamamatay tao. Kumalat sa buong kontinente ang balitang sa gumuhong lungsod ng Ganru ay may babaeng multo na sa oras na tanggihan mo ang kanyang alok na siya’y kumanta para sayo, ika’y mamamatay.
Lumipas ang sampung taon. Sa paglipas ng panahon nasira na ang magandang mukha ng manyika. Wala na ang kaliwang mata niya at ang kanang mata nama’y nanlilisik na parang mata ng isang mabangis na hayop. Ang dating kulay gintong buhok ng manyika ay nabalot ng alikabok at tuyong dugo galing sa mga taong kanyang pinaslang. Ang puti niyang damit ay naging kulay putik sa sobrang dumi. At hanggang ngayon wala pa ring taong gustong makinig sa kanyang pagkanta. Isang madilim at malamig na gabi, may napadpad na batang lalaki sa lumang lungsod ng Ganru. Pagod na pagod at parang hindi pa kumakain ng ilang araw ang batang lalaki kaya naman napahiga na lamang ito sa malamig na kalsada. Sa madilim na sulok ng mga lumang gusali, lumabas ang manyika. Dahil sa dilim nagmukhang multo na may buhaghag na buhok, nanlilisik na kanang mata habang walang mata naman ang kaliwang ang itsura ng manyika. “Gusto mo bang kantahan kita bata?” tanong ng manyika sa nanghihinang paslit. Hindi nakapagsalita agad ang batang lalaki. Kaya naman inulit ng manyika ang kanyang tanong. “Gusto mo bang kantahan kita bata?” malumanay na tanong muli ng manyika na parang mabangis na hayop na nakatitig sa nanghihinang paslit. Alam na ng manyika ang kanyang gagawin sa oras na tumanggi sa kanyang alok ang batang lalaki, kailangan niya itong paslangin! Ngunit hindi inaasahan ng manyika ang isinagot ng paslit. “Sige, kantahan mo ako aling multo” nakangiting tugon ng bata. Nagulat ang manyika sa isinagot ng batang lalaki. “Wala pa kasing gumagawa sa akin na ako’y kantahan. Ito ang unang pagkakataon na may gustong kumanta para sa akin” dagdag pa ng batang paslit. Lumabas mula sa dilim ang manyika at ng masinagan siya ng kulay asul na liwanag mula sa buwan ay naging maamo ang kanyang mukha at nagbalik ang ganda ng kanyang mukha na parang isang anghel. Nang sinimulang kumanta ng manyika, nagmukadkad ang mga bulaklak sa paligid ng lumang lungsod at umihip ang malamig na hangin na parang nakikisabay sa pag-awit ng manyika.
Matapos umawit ng manyika, nagpakilala sa kanya ang batang lalaki. “Ako nga pala si Dan. Napadpad ako rito dahil hinahanap ko ang aking mga magulang” sambit ng bata habang nakahilig sa braso ng manyika. Tinitigan ng manyika ang batang si Dan at napag-isip-isip niya na pareho lamang pala sila ni Dan, naghahanap ng taong tatanggap at magmamahal sa kanila. “Ano nga pala ang pangalan mo aling multo?” tanong ni Dan sa manyika. “Wala akong pangalan. Mula ng ako’y ginawa wala pang nagbigay sa akin ng pangalan” malungkot na tugon ng manyika. Naisip ni Dan na bigyan ng pangalan ang kawawang manyika. Dahil na rin sa ganda ng boses ng manyika, naisip ni Dan na “LALA” ang ipangalan sa manyika. “Pwede bang Lala na lang ang itawag ko sayo?” tanong ni Dan. “Sige! Salamat sa pangalang ibinigay mo sa akin!” tuwang-tuwang tugon ng manyika na ngayo’y Lala na ang pangalan salamat sa kanyang bagong kaibigan na si Dan.
Lumipas ang maraming taon. Nagbinata na si Dan at nanatili siya sa lumang lungsod ng Ganru upang makasama ang manyikang si Lala. Naging masaya sila sa piling ng isa’t-isa. Inilagaan at minahal nila ang isa’t-isa at ipinangako ni Dan kay Lala na siya mismo ang magpapatigil sa paggalaw ng manyika kapag dumating ang tamang panahon. Ayaw isipin ni Dan na darating ang panahon na kailangan na nilang maghiwalay ni Lala dahil natutunan ng mahalin ni Dan si Lala kahit na ito’y isang manyika lamang. Ngunit hindi mapipigilan ni Dan ang mga sumunod na nangyari. Dumating sa lumang lungsod ang tanyag na treasure hunter na si Marco at ang kanyang pakay ay kunin mula kay Lala ang gintong puso o ang Helix. Natagpuan ni Marco sina Dan at Lala sa isang maliit na hardin. “Ang saya-saya ninyo naman ata!? Pero pagpasensyahan nyo na dahil narito ako upang kunin ang Helix!” sigaw ni Marco kayna Dan at Lala. “Sino ka at bakit gusto mong kunin ang Helix!?” tanong ni Dan sa treasure hunter. “Nalimutan ko nga palang magpakilala, ako si Marco at kukunin ko ang Helix para ako’y yumaman! Hahaha!” tawa pa ni Marco. “Hindi mo makukuha ang Helix! Iyon ang nagbibigay buhay kay Lala kaya’t hindi kita hahayaang mahawakan si Lala kahit na ang dulo ng kanyang buhok!” pagbabanta ni Dan na desididong gawin ang lahat maprotektahan lamang ang pinakamamahal niyang si Lala. “Magtago ka muna Lala, ako ng bahala sa lalaking ito” pabulong na sinabi ni Dan kay Lala na takot na takot na nasa likod ng binata. “Ngunit baka may mangyaring masama sayo! Hindi ko mapapatawad ang sarili kapag iniwan kita at mamatay ka sa kamay ng lalaking yan!” ang naiiyak ng sabi ni Lala. Ngumiti si Dan at niyakap niya si Lala. “Wag kang mag-alala, walang mangyayari sa akin ng masama” mahinahong sabi ni Dan kay Lala. “Nakakasuka naman ang ginagawa ninyo! Itigil ninyo na yan at ibigay na lang sa akin ang Helix!” sigaw na naiinis ng si Marco.
Umalis si Lala kahit na labag sa kalooban niyang iwan si Dan. Nagtago si Lala sa lumang gusali na lugar kung san siya ginawa. Taimtim na nagdasal si Lala na sana’y walang mangyaring masama kay Dan. Narinig ni Lala na bumukas ang pinto ng gusali. Inakala niyang si Dan iyon sapagkat tanging kay Dan lamang sinabi ni Lala ang tungkol sa lumang gusali. Laking gulat ni Lala n gang kanyang nakita ay si Marco. “Nariyan ka lang pala manyika! Pinagod mo ako sa paghahanap sa iyo!” pasigaw na sinabi ni Marco. “Nasaan si Dan? Anong ginawa mo sa kanya!?” nanlulumong sabi ni Lala. “Wala na ang lalaking iyon dahil pinatay ko na siya gamit itong espada ko! Hahaha!” pahayag ni Marco at napaluhod na lamang si Lala sa mga narinig. Lumapit si Marco sa manyika na nanlulumo sa lungkot. Itinarak ni Marco ang kanyang espada sa dibdib ni Lala at bumukas ang dibdib ng manyika dahilan upang mahulog palabas ang Helix. “Sa wakas nasa akin na ang Helix!” nagdiriwang na sigaw ng treasure hunter. “Ibalik mo yang Helix!” sigaw ng galit nag alit na si Dan. “Buhay ka pa pala. Kung ganon sisiguraduhin kong mamamatay ka na sa gagawin kong ito!” sambit ni Marco sabay hugot ng baril mula sa kanyang tagiliran at ipinitok kay Dan. Tinamaan si Dan sa kanang balikat. May kinuhang patalim si Dan mula sa kanyang bulsa at inihagis niya ito. Tumama ang patalim sa puso ni Marco dahilan upang ikamatay agad ito ng treasure hunter.
Dahil sa dami ng sugat na halos maligo na sa dugo si Dan, pagapang na niyang kinuha mula sa bangkay ni Marco ang Helix. Lumapit si Dan kay Lala upang mailagay sa loob nito ang Helix at muli itong gumalaw. Nang mailagay na ni Dan ang Helix kay Lala, gumalaw na ang manyika ngunit iba ito sa inaakala ni Dan. “Ginoo gusto mo bang kantahan kita?” nawala ang alaala ni Lala. Napaluha na lamang si Dan. “Mahal kita Lala…..” sambit ni Dan bago ito mawalan ng buhay. “Matutulog ka na ba ginoo? Hayaan mong kantahan kita habang ika’y natutulog” ang sabi ni Lala na inaakalang natutulog lamang si Dan. Matapos ang tatlong gabi, kusang tumigil sa pagkanta si Lala. At bago pa man tuluyang tumigil sa paggalaw may ibinulong sa hangin ang manyika. “Mahal rin kita Dan…..” at tuluyan ng tumigil sa paggalaw si Lala. Tinupad ni Dan ang kanyang pangako kay Lala, na siya ang magpapatigil sa paggalaw ng manyika kahit na siya’y nasa kabilang buhay na…..
Saturday, March 13, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
ok naman yung story kaya lang bitin.
ReplyDeletemas maganda sana kung mahaba pa hindi yung parang minadali lang yung pagkakagawa.
pwede na kung first time pa lang naman gumawa ng istorya ng writer nito...
ReplyDeletesana sa susunod mas marami ang script nung mga characters...^^