Ang Babae sa Salamin
Marjorie B. Fortaleza
Si Carmina o Mina at ang kanyang Lola Caridad ay masasabing malapit sa isa’t isa. Lahat ng gustuhin ng dalaga ay ibinibigay ng kanyang mahal na lola. Kaya’t ang pagkamatay ni Lola Caridad ay labis niyang ikinalungkot.
Isang kuwintas na may palawit na imahe ng anito ang ipinagkaloob kay Mina ng kanyang Lola Caridad bago ito mamatay. Magsisilbing tagapagbantay daw niya iyon. Matagal na niyang naririnig na may kapangyarihan ang kuwintas na pag-aari ng Lola Caridad niya.
Nang mag-First year College si Mina, pinasya niyang mag-aral sa Maynila kung saan marami ang naggagandahan at naglalakihang mga unibersidad. Ito rin ang unang pagkakataong malalayo siya sa kanyang pamilya.
Malaki ang napiling unibersidad ni Mina. Malaki rin ang populasyon ng mga mag-aaral pero ilan lamang sa kanila ang may pribilehiyo na tumira sa domitoryo. Dito ay kinuha niya ang kursong B.A. Art Studies. Nakilala rin niya dito si Diane, kaklase niya sa isang subject at tulad niya ay nakatira rin sa isa sa mga domitoryo ng unibersidad. Ang totoo ay may sinasabi sa kanya si Diane na hindi niya tiyak kung totoo o tinatakot lang siya dahil nakita nito na madali siyang takutin. May multo raw sa dormitoryo nila.
Nasanay siyang maligo kung gabi. Kahit alam niyang masama ito. Dahil na rin sa hindi siya makatulog ng hindi nakakaligo sa gabi. Ang problema ay walang banyo ang mga silid sa dormitoryo. Nasa labas ang mga banyo at kailangan pa niyang maglakad ng pasilyo bago siya makarating doon. Ang pasilyo ng dormitoryo ay may ilang maliliit na bombilya na nagsisilbing liwanag sa buong paligid. Naglalakad siya nang biglang matigilan. Bigla kasing namatay ang sindi ng mga iyon. Lumakas ang kabog ng kanyang dibdib. Naalala niya ang sinabi ni Diane tungkol sa multo sa kanilang dormitoryo.
Pinatindi ng mga bombilyang patay sindi ang takot na nararamdaman ni Mina. Nasa kalagitnaan na siya ng paglalakad at maabot na niya ang banyo. Gusto niyang paglabanan ang takot. Naniniwala siya sa kasabihang “to see is to believe”. Nagmamadali na siyang naglakad hanggang sa makalampas siya ng pasilyo at marating niya ang banyo. Walang tao sa banyo. Pumasok siya sa isang cubicle. Habang naliligo ay narinig niya ang malakas na pagkalampag ng isang pintuan. Sa isip-isip niya ay may estudyanteng pumasok o sumunod sa kanya. Paglabas niya ng banyo, laking gulat niya dahil bukas pa rin ang mga pintuan ng bawat cubicle. Saan nagmula ang malakas na kalampag ng pintuan? Tanong niya sa kanyang sarili.
Pagtingin ni Mina sa malaking salamin na nasa harapan, isang babaeng nakaputi ang nakita niya sa kanyang likuran. Matalim ang tingin ng babae. Nakakakilabot ang ngiting pinakawalan ng labi nito. Sa sobrang takot ay tumakbong palabas si Mina at tinahak ang pasilyo. Patay sindi pa rin ang mga bombilya. Nakasalubong niya ang babae sa salamin at na-trap siya nito. Pero ng Makita ng babae ang suot niyang kuwintas ay natakot ito at kusang naglaho. Hinimatay sa takot si Mina.
Ginising si Mina ng isang babae. Napasigaw ng malakas si Mina.
“ Bakit, Miss? “ Nang magsalita ang babae ay saka pa lamang natauhan si Mina. Noon niya napagtanto na totoong tao ang kanyang kaharap. Isa sa mga boarder ang nakita niya sa salamin. Nakasuot lamang ito ng puti.
“Mukha ba akong multo?” ang tanong ng babae.
Nagpakilala ang babae. Si Grace raw ito. Naging magkaibigan sila ni Grace. Halos gabi-gabi ay nagkikita sila sa banyo tuwing maliligo siya. Sa kaunting panahon na nagkakausap sila ay maraming nalaman si Mina tungkol kay Grace. Psychology ang kinikuha nitong kurso at third year college na. Nasa malayong probinsiya ang kanyang pamilya at nag-iisa itong naninirahan sa Maynila. Pagkatapos magkuwento ni Grace ay mauuna na itong lumabas ng banyo. Hindi sila nagkakasabay maglakad ni Mina sa pasilyo kahit minsan. Hindi pa sila nagkikita sa school o residence hall, hindi pa rin sila nagkakasabay kumain sa canteen. Doon lang sila nagkikita ni Grace sa banyo tuwing gabi.
Isang gabing maalinsangan ay pumasok si Mina sa isang cubicle. Naghubad siya ng damit at unang pagkakataong hinubad niya ang kanyang kuwintas. Isinama niya iyon sa mga damit na isinabit niya. Binuksan ni Mina ang dutsa ng shower. Nabigla siya nang biglang bumukas ang pinto ng cubicle at tumambad sa kanya si Grace.
“Grace, bakit?” Pabigla niyang tanong sa dalaga.
Dali-daling tinakpan ni Mina ng tuwalya ang hubad niyang katawan. Matalim ang titig sa kanya ni Grace subalit mabilis na nakuha ni Mina ang kanyang kuwintas.
“Itapon mo ang kuwintas na iyan. Mitsa iyan ng iyong kamatayan! “ anito sa matigas na tinig. Agad ding lumabas na ng banyo si Grace. Naramdaman ni Mina ang malakas na bagsak ng pinto. Pamilyar iyon sa kanyang pandinig. Ganoon na ganoon ang bagsak ng pinto na kanyang narinig noong unang pagkakataon na naligo siya sa banyo na iyon.
Kinabukasan ay nagpunta si Mina sa ROOM X kung saan sinabi ni Grace sa kanya na iyon ang silid nito. Gusto niyang kausapin si Grace para malaman kung ano ang talagang pakay nito sa nakaraang gabi. Kumatok si Mina sa silid.
Ang matandang lalaking katiwala ang nakausap ni Mina.
“ Si Grace, nandiyan po ba siya?” magalang niyang tanong.
Nangunot ang noo ng matandand lalaki. “Sinong Grace? Walang Grace diyan. Tambakan ng gamit ang Room X dito sa dorm.” Sandaling nag-isip ang katiwala.”Ang tinutukoy mo bang Grace ay iyong Psychology student? “
“Opo. Iyong maganda at matangkad?” sabi pa ni Mina.
“Diyan talaga ang silid niya ng nabubuhay pa siya,” sabi ng katiwala.
Nangilabot si Mina sa narinig mula sa katiwala na lalaki. Walang kamalay malay si Mina sa nangyari noon kay Grace.
Ginahasa at pinatay ito sa banyong iyon ng dormitoryo.
Nagpunta si Mina sa banyo ng gabing iyon. Gaya ng inaasahan ng dalaga, walang tao sa banyo maliban sa kanya. Humangin ng malakas kahit sarado naman ang mga pintuan at bintana. Walang pagmumulann ng hangin.
“Grace,gusto kitang tulungan. Gusto kong magkaroon ng hustisya ang iyong pagkamatay. Gusto kong magkaroon ka na ng katahimikan”, pinalakas ni Mina ang loob habang tinatawag ang kaibigan.
Nawala ang malakas na hangin. Napasulyap si Mina sa salamin at nakita niya doon si Grace. Nakaramdam siya ng matinding takot. Alam na niyang multo ang babaeng nasa kanyang likuran. Natiyak ni Mina na ang suot niyang kuwintas ang pakay sa kanya ni Grace kung bakit ito nagpapakita sa kanya.
Pero para saan ang kuwintas? Saan ito gagamitin ng isang multo.
“Kung ibibigay ko ba sa iyo ang kuwintas, aalis ka na ba sa lugar na ito?” tanong niya sa babae.
Nagpakawala ng makahulugang ngiti si Grace. Hindi nagdalawang isip si Mina, agad niyang tinanggal ang kuwintas na suot at iniabot kay Grace. Malakas na tawa ang pinakawalan ni Grace nang makuha na ang kuwintas. Natigilan si Grace kung bakit tila may malakas na pwersa na kumokontra sa kaniyang ginagawa.
Nilansi ni Mina si Grace. Nagpagawa siya ng kuwintas na kapareha ng kuwintas niya. Inilabas ni Mina ang orihinal na kuwintas at sa gulat niya ay unti-unting hinigop ng imaheng anito ang espirito ni Grace hanggang tuluyang maglaho.
Hindi alam ni Mina kung ganap na bang katahimikan ang ipinagkaloob niya sa kaibigang multo. Subalit ang mas mahalaga ay mabibigyan na ng ganap na katahimikan ang dormitoryo.
Umaga, suot pa rin ni Mina ang kuwintas. Naglalakad siya sa pasilyo ng dormitoryo. Nginitian ni Mina ang nakasalubong na katiwala ng dormitoryo. Natigilan ang katiwala. Nasa mga mata nito ang hindi paniniwala. Sindak na sindak ang rumehistrong emosyon sa mukha nito. Sinapo nito ang dibdib at basta na lamang ito bumagsak sa sahig at nangisay.
Namatay noon din ang katiwala. Bakas ang sindak at matinding takot dahil nakita nito si Grace. Walang kamalay malay si Mina na ang mukha ni Grace ang nakita ng katiwala. Natupad ang tulong sa kaibigan. Dahil sa kamatayan ng katiwala ay magkakaroon na ng ganap na katahimikan si Grace.
Thursday, March 11, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment